Saturday, May 17, 2014

Week 1: Unang Sulyap, Unang Pagbugso ng Damdamin


Lingid sa aking kaalaman ang batas tungkol sa pagtuturo ng buhay, mga obra, at mga akda ni Jose Rizal. Ang aking akala'y basta na lamang ipinag-utos na ituro ito at ang alam ko'y sa sekundarya lamang. Nagkamali pala ako. May isang batas pala na nauukol sa mga likha ni Rizal. Ang P. I. 10 (The Life and Works of Jose Rizal) ang nag-iisang kurso na may batas. Napakaming pinagdaanan ng batas na R. A 1425 o mas kilala bilang "The Rizal Law". Ito ay pinagtibay noong Hunyo 12, 1956 at ipinatupad ng Pambansang Kapulungan ng Edukasyon noong Agosto 16, 1956. Ang "Batas Rizal" ay nagsasaad  sa kurikulum ng lahat ng paaralang pampubliko at pangpribado ng kursong nauukol sa buhay, mga ginawa, at mga sinulat ni Rizal, lalo na ang kanyang mga nobelang NOLI ME TANGERE at EL FILIBUSTERISMO. Layunin ng batas na ito ang mga sumusunod:

(1) upang maging inspirasyon ng mga taong bayan, lalo na ng mga kabataang Pilipino ang naging buhay at karanasan ni Rizal noong panahon ng Kastila;

(2) upang magkaroon ang mga Pilipino ng kanilang sariling simulain at nasyonalismo na binigyang-halaga ng ating mga bayani; at

(3) upang muling gisingin ang damdaming makabayan ng bawat mamayang Pilipino upang maipamana at maisala-ala ng mga kabataan ng susunod pang henerasyon

https://www.youtube.com/watch?v=qT8MSQfEUbU

Nais kong bigyang pugay sila Jose P. Laurel at Claro M. Recto. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ko mas makikilala ng lubusan si Rizal; hindi ko matutuklasan ang mga pambababoy ng Espanya sa ating bansa; at higit sa lahat hindi mag-aapoy ang damdaming nasyonalismo sa aking sarili. Dahil sunod-sunod na pag-aalsa ng mga rebeldeng Pilipino noong 1950s, kinailangan ni Laurel at Recto na gumawa ng paraan upang paalabin ang pag-ibig sa bayan ng mga Pilipino.


Kilala ang Unibersidad ng Pilipinas sa salitang "oblation" o "pag-aalay" na malaki ang kaugnayan sa ilang talydtod ng tula ni Rizal na Mi Ultimo Adios.

(Pahimakas, salin  ni Adres Bonifacio)

Masayng sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging maringal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay aking ding handog.


Ang Mi Ultimo Adios ay tumutukoy sa "selfless dedication and service to the nation" o "walang pag-iimbot na dedikasyon at paglilingkod sa bayan" kung saan pangunahing layunin din ng Unibersidad ng Pilipinas. Mapalad ako sapagkat nag-aaral ako sa unibersidad na ito na may layuning palalimin ang aking dedikasyon hindi lamang sa aking kapwa kundi na rin sa aking Inang Bayan. Kaakibat pa nito ang magagaling naming guro na punong-puno ng determinasyon at pag-ibig sa bayan. 

Sa linggong ito, ipinaliwanag sa amin ang ibig sabihin ng KANYA-KANYANG RIZAL. Bawat Pilipino ay may kanya-kanyang Rizal. Lahat tayo may simbolo ng pagkatao ni Rizal. Lubos ang aking kagalakan sapagkat marami na akong nalaman tungkol kay Rizal na yumayakap sa layunin ng unibersidad, ang ISKOLAR NG BAYAN AT PARA SA BAYAN upang palawigin pa sa isipan naming mga KABATAAN BILANG PAG-ASA NG ATING BAYAN. Maaari rin kaming maging si Rizal na nakilahok sa mga usapin ng lipunan at pulitika sa pamamagitan ng napakahalagang pawatas sa buhay, ang "pagbabasa, pagdidili-dili, at pagsusulat" ayon kay Propesor Emeritus Gemino Abad.

Ang pag-aaral kay Rizal ay pintuan lamang upang mas payamanin ang ating kaalaman tungkol sa Pilipinas at upang mas mahimay-himay ang mga pangyayari noong ika-19 na siglo. Tayong mga kabataan ang pag-asa ng bayan na kung saan maaari rin tayong gumawa ng pagbabago  sa pamamagitan ng pagsusulat na ginawa rin ni Rizal upang maimpluwensiyahan ang hinaharap. Ginamit ni Rizal ang pluma sa pagtuligsa laban sa mga Kastila. Nawa'y magamit ko rin ito upang mahikayat ang aking kapwa kabataan sa paggawa  ng mabuti upang kamtin ang tagumpay. 

No comments:

Post a Comment