Sunday, May 18, 2014

Week 2: Linggo ng Pagpupugay sa Kabayanihan

Hindi madali ang maging isang bayani. Kinakailangang kumilos ng tama sa lahat ng pagkakataon na ayon sa paningin ng lipunan. Aking napagtanto na hindi pala kailangang mamatay para matawag kang bayani. Kahit simpleng pagpasok sa tamang oras ay malaki na ang magiging epekto sa lipunan. Ang bayani ay taong matapang at palaban na kayang magsakripiso para sa kanyang nasasakupan. Siya ay maaaring lider o mandirigma. Datu, Raja, Lakan, at Sultan ang mga sinaunang bayani ng Pilipinas. Madali silang lapitan at nakakabit sa kanyang bayan. 

Ayon kay Zeus Salazar, ang bayani ay taong naglalakbay at bumabalik sa kanyang bayan. Ayon naman kay Ricardo Nolasco, ang mga bayani ay may ANTING-ANTING
na pinagkukunan ng kanilang karagdagang-lakas. Hindi ako sang-ayon sa anting-anting sapagkat nasusulat sa Ezekiel 13:20 Kaya nga ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, "Nasusuklam ako sa mga pulseras ninyong may salamangka para mabihag ang kalooban ng mga tao. Hahablutin ko iyan sa inyong mga kamay, at palalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo". Dagdag pa rito ang sinabi ni Propeta Isaias 3:18-20 "Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga alahas niya sa paa, ulo at leeg; ang mga kuwintas, pulseras at bandana; ang mga alahas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga AGIMAT;..." Dito pa lamang ay mabilis na nating maiintindihan na hindi sang-ayon ang Panginoon sa mga ganitong bagay. Ang pagsunod sa utos ng Ama ay higit na malaki ang maiaambag upang umunlad ang lipunang ating ginagalawan.





Hindi rin ako sang-ayon sa diyos-diyosang si Tagbusaw, ang diyos ng mandirigma. Nasusulat sa Exodo 20:3 "Huwag kang sasamba sa ibang diyos maliban sa akin." Malinaw na malinaw na wala ng ibang diyos maliban sa Panginoong lumikha ng Sangtinakpan. Siguro'y kailangan ko lang ay lawakan ang aking isipan sapagkat noong unang panaho'y salat ang ating mga ninuno sa edukasyon at hindi pa siguro nila nakikilala ang Panginoon. Napakapalad ng ating henerasyon sapagkat nasa sa ating mga kamay ang patutunguhang landas ng ating mga kaluluwa. Nagulat lang ako na kinakailangan pang kumain ng atay at puso ng kaaway upang hiranging isang bayani noong unang panahon. Atay daw ang pinanggagalingan ng buhay at mahalaga raw ito sa kultura ng Austronesian.

Magpugay tayo sapagkat ang konseptong BAYANI ay mula sa mga Pilipino. Ang konseptong ito'y tumutukoy sa pariralang "laging may kasama" (kasama ang buong bayan) o tumutukoy din bilang "lingkod-bayan". Karamihan sa mga katangian ng bayani ay mapapansin sa mga EPIKONG PILIPINO. Ngunit may iba't iba ng salin na ang mga epiko natin ngayon.

Sa huli, lahat tayo ay may pagkakataong tawagin bilang isang BAYANI. Ang isang malaking pagbabago ay maaaring makamit sa pamamagitan ng pagkakaisa sa isang simpleng paggawa.

No comments:

Post a Comment