Monday, May 19, 2014

Week 4: Ang Buhay ni Pepe

Napakapalad ko sa pagkakataong makilala ng lubusan si Jose Protacio Rizal Mercado Y Realonda sapagkat malaki ang naging papel niya sa pag-usbong ng nasyonalismo sa puso ng bawat Pilipino. Ilan sa mga trivia na aking nalaman tungkol sa kanya ay:

(1) Sa pagitan ng alas-onse at alas-dose siya ipinanganak (Miyerkules);

(2) Ginamit niya ang atsuete sa pagguguhit;

(3) Nagkaroon pala ng alitan sa pagitan nila Rizal at del Pilar;

(4) Ipinagkait ang bangkay ni Rizal sa kanyang pamilya;

Gemma Cruz Araneta
(5) Si Gemma Cruz Araneta pala ay apo niya sa kanyang mga kapatid; at

(6) Nakaimbento si Rizal ng "sulpakan" noong namamalagi pa siya sa Dapitan.

Tunay ngang kahanga-hanga ang kagalingan ni Rizal sa pagsusulat. Maituturing siyang "hybrid" sapagkat Pilipino ang kanyang itsura ngunit banyaga ang kanyang pag-iisip. Dala na ito ng pagkakalantad niya sa banyagang karunungan. Dumating sa pagkakataong nalimutan na niya ang pagsasalita ng kanyang sariling wika. Kaya naman nakikiusap siya sa kanyang mga kapatid na kung tutugon sa kanyang mga sulat ay wikang Tagalog ang gamitin.

Ginising ni Rizal ang mga natutulog na damdamin ng mga Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga nobelang NOLI ME TANGERE  at EL FILIBUSTERISMO. Dahil sa mga akdang ito, umapoy ang diwang makabayan. Nailantad ang mga kasaaman ng mga Kastila, lalong-lalo na ang mga prayle. Ginamit ni Rizal ang mga kaalaman niya sa medikal upang ipaliwanag ang sakit ng lipunan. Aaminin kong isa ako sa mga ginising ni Rizal. Ipinamukha niya sa akin ang lagim ng lipunan noong mga panahong 'yun. Magpasa-hanggang ngayon ay nararamdaman ko pa rin ang bagsik ng mga mananakop. Kinain nila tayo. Walang itinira kahit buto.

Matatag ang paninindigan ni Rizal sa pagtataguyod ng edukasyon bilang sandata sa pag-unlad ng bansa. Litaw na litaw ang konseptong edukasyon sa kanyang mga akda. Nanindigan siyang ito ang susi ng mga kabataan.

Bilang pagtugon, nais kong makatapos ng pag-aaral upang tuparin ang sinabi ni Rizal na ang KABATAAN ANG PAG-ASA NG BAYAN. Nais kong kumilos kahit sa maliit na paraan lamang upang tulungan ang Inang Byan kong umiiyak, tumatangis, at humihingi ng tulong sapagkat lubog na siya sa kumunoy ng kahapon.

Isinakripisyo ni Rizal ang buhay pag-ibig niya para sa kanyang bayan. Nais ko siyang pasalamatan sapagkat ipinakita niya ang tunay na kahulugan ng OBLATION o "walang pag-iimbot na dedikasyon at paglilingkod sa bayan" bilang pagtugon sa kalunos-lunos na paghihirap ng mga Pilipino.


No comments:

Post a Comment